MANILA, Philippines -Aasahan ng mga motorista ang magkahalong galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, sinabi ng opisyal ng Department of Energy (DOE) nitong Biyernes.
“Based on the four-day trading (July 3 to 6, 2023), there will be a mixed movement on the prices of liquid petroleum products,” ani DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa isang ulat.
Base sa pagtataya ng DOE, posibleng ipatupad sa sunod na linggo ang sumusunod na paggalaw ng produktong petrolyo. Sa gasolina inaasahan ang humigit-kumulang P0.30 hanggang P0.50 kada litro na rollback; tataas naman ng P0.30 hanggang P0.50 kada litro ang diesel, habang ang kerosene ay posibleng makaranas ng pagtaas ng P0.30 hanggang P0.50 kada litro.
Gayunpaman, sinabi ni Romero na ang mga tinantyang paggalaw ng presyo ay maaaring magbago depende sa kalakalan nitong Biyernes.
Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.
Epektibo noong Martes, Hulyo 4, nagpatupad ang mga kumpanya ng gasolina ng bawas sa kada litro ng P0.70 para sa parehong gasolina at diesel. Ang kerosene ay binawasan din ng P0.85 kada litro.
Ang pinakahuling price adjustments ay nagresulta sa year-to-date netong pagbaba ng P3.70 kada litro para sa diesel at P6.00 kada litro para sa kerosene.
Ang gasolina naman ay may year-to-date net increase na P5.85 kada litro. RNT