Home OPINION DAGDAG GUSALI NG UDM, ITATAYO SA TONDO

DAGDAG GUSALI NG UDM, ITATAYO SA TONDO

EXCITED, hindi lang mga batang mag-aaral sa distrito ng Tondo kundi pati kanilang mga magulang nang mabatid na magkakaroon ng karagdagang gusali ng Universidad de Manila sa naturang lugar.

Sino nga ba naman ang hindi mananabik kung ilalapit sa kanilang lugar ang isang gusali na magsisilbing pandayan ng kaalaman at katalinuhan tulad ng UDM na bukod sa libre ang matrikula ay mataas pa ang kalidad ng pagtuturo.

Naglaan kasi ang Pambansang Pamahalaan ng P400 milyon pondo sa pamamagitan ni Manila 2nd District Representative Rolan Valeriano para gugulin sa pagtatayo ng karagdagang gusali ng UDM sa Tondo na sisimulan na sa mga darating na buwan.

Sabi ni Valeriano o CRV, sadyang itinulak niya ang paglalaan ng pondo para sa edukasyon ng mga Batang Tondo upang hindi na sila lumayo sa kanilang lugar kapag natanggap bilang estudyante ng naturang universidad na nasa ilalim ng pamamahala ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Kapag natuloy ang plano, aniya, siya ang kauna-unahang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nakapagpatayo ng gusaling pang-kolehiyo sa Maynila.

Hindi sa pinupuri ko si CRV o gusto ko lang na pabanguhin ang kanyang pangalan dahil sa totoo lang, kahit hindi naman mapabalita sa mga pahayagan, radyo, telebisyo o sa social media ang kanyang mga proyekto, mismong mga residente ng District 2 ng Maynila ang nakasasaksi sa masidhi niyang hangarin ayusin ang buhay ng mga residenteng kanyang nasasakupan, patunay ang mga pinondohan niyang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga barangay hall upang maging maayos at komportable ang pagkakaloob ng serbisyo ng barangay.

Hindi lang sa mga proyektong pang-imprastratura nakatutok ang mambabatas na tumatayo ring Chairman ng Metro Manila Development Committee, kundi sa iba pang programa tulad ng Assistance to Individual in Crisis Situation  na isa sa mga social welfare service ng Department of Social Welfare and Development na nagbibigay ng tulong medikal, pampalibing, transportasyon, edukasyon, pagkain, o tulong pinansyal para sa pangangailangan ng isang tao o pamilya.

Bukod pa rito ang suporta niya sa programang TUPAD of Tulong Panghanapbuhay sa Displaced at Disadvantaged Worker at ang Government Internship Program para mabigyan ng suportang pinansiyal ang mahihirap na mamamayan kapalit ng sampung (10) araw nilang community service.

Sabi nga ng isang dating cabeza de barangay na tumanda na sa naturang distrito, matagal din naman siyang nanungkulan sa barangay bago nagretiro sa serbisyo publiko pero sa loob ng mahigit 20-taon, ngayon lang niya nasubaybayan ang isang kongresista sa kanilang distrito na nakagawa ng mga proyekto at programa sa loob lang ng apat na taon na hindi nagawa ng iba na siyam na taon sa panunungkulan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.