Home METRO Dagdag na pumping station pinasinayaan sa Navotas

Dagdag na pumping station pinasinayaan sa Navotas

PINANGUNAHAN nina Navotas Mayor John Rey Tiangco, Cong. Toby Tiangco at iba pang opisyal ng lungsod ang isinagawang blessing at inauguration ceremony ng pumping stations sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque; Daanghari St., Brgy. Daanghari; at Maliputo St., Brgy. North Bay Blvd. South Dagat-dagatan. JOJO RABULAN

MANILA, Philippines – UMABOT na sa 72 ang pumping stations sa Navotas at kamakailan ay pinasinayaan ang tatlo pang bagong pumping station sa Judge Roldan St., Barangay San Roque, Daanghari St., Barangay Daanghari at Maliputo St., Barangay NBBS Dagat-Dagatan.

Pinangunahan nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang blessing at inauguration ceremony sa tatlong pumping stations.

“Noon, kapag nababanggit ang Navotas, bukod sa isda ay baha ang naiisip ng mga tao. Malaking perwisyo ang dulot nito dahil apektado di lang ang pangaraw-araw nating pamumuhay kundi pati ang ating kabuhayan at kalusugan. Kaya naman sinimulan ni Cong. Toby at tinuloy-tuloy natin ang pagtatayo ng mga pumping station para maiwasan ang pagbaha,” ani Mayor Tiangco.

“Pakiusap lang po na alagaan nating mabuti ang ating mga pumping station. Isipin natin na pag-aari natin ito. Kung ganyan tayo mag-isip, siguradong sisikapin nating parati itong maayos at gumagana,” dagdag pa ng alkalde.

Samantala, pinaalalahanan ni Congressman Tiangco ang mga Navoteños na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang mapanatili na malinis ang nasabing mga lugar.

“Malaki po ang ambag ninyo para maiwasan natin ang pagbaha sa ating lungsod. Maayos na makakahigop ng tubig ang bombastik kung walang basurang nakabara dito. Kaya maging responsable po tayo sa pagtatapon ng basura,” paliwanag ni Cong. Tiangco.

Dumalo rin sa nasabing inagurasyon sina Vice Mayor Tito Sanchez, mga konsehal ng lungsod, barangay chairpersons, mga department of heads at mga tauhan mula sa Department of Public Works and Highways. R.A Marquez

Previous articleKelot itinumba sa kalsada
Next articleP14.65M nasolo ng mananaya sa Lotto 6/42