MANILA, Philippines – Maantala ang pamamahagi ng karagdagang P1,000 na dagdag honoraria sa mga guro at mga poll workers na nagsilbi sa 2025 midterm elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na nitong Lunes, Mayo 19, lamang nila natanggap ang notice matapos pagbigyan ang kanilang hirit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., pero sinisiguro nila na matatanggap ito ng mga poll workers.
Ipapamahagi ang dagdag P1,000 sa lahat ng electoral board members sa buong bansa, bukod pa sa naunang dagdag na P2,000.00.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasa P758,459 na pondo bilang pasasalamat sa lahat ng nagsilbi nitong nagdaang halalan.
Dahil dito, ang bagong honoraria ng mga miyembro ng electoral board ay P13,000 sa Chairperson, tig-P12,000 sa poll clerk at third member, habang nasa P9,000 naman ang makukuha ng support staff.
Ang mga miyembro ng volunteer staff mula sa Department of Education (DepEd) ay P12,000 sa supervisors, P9,000 sa admin support staff, at P10,000 naman sa supervisors tech support staff. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)