Home HOME BANNER STORY Dagdag-P40 arawang minimum wage, aprubado sa Bicol

Dagdag-P40 arawang minimum wage, aprubado sa Bicol

MANILA, Philippines – Tataas ng ₱40 ang arawang sahod ng mga minimum wage earners sa Bicol, mula ₱395 patungong ₱435, matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang Wage Order No. RBV-22. Ipatutupad ito sa dalawang yugto: Abril 5 at Disyembre 1.

Maaaring mag-aplay ng exemption ang maliliit na negosyo na may mas mababa sa sampung empleyado at mga kumpanyang naapektuhan ng kalamidad. Hindi sakop ng batas sa minimum wage ang mga rehistradong barangay micro business enterprises.

Naantala ang umento matapos hilingin ng labor representatives noong Nobyembre 2024, upang bigyang-daan ang pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng Bagyong Kristine. Pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission ang wage order, na inaprubahan noong Marso 14.

Samantala, 94,042 kasambahay sa Bicol ang makatatanggap ng ₱1,000 umento sa sahod sa ilalim ng Wage Order No. RBV-DW-04, kaya magiging ₱6,000 na ang kanilang buwanang sweldo.

Sa Zamboanga Peninsula, itinakda ng Wage Order No. RIX-DW-05 ang bagong buwanang sahod ng mga domestic workers sa ₱5,500 sa mga chartered cities at first-class municipalities, at ₱5,000 sa ibang lugar, matapos madagdagan ng ₱900. RNT