Home NATIONWIDE Dagdag P6B kompensasyon sa Marawi siege victims nakapaloob sa 2024 budget

Dagdag P6B kompensasyon sa Marawi siege victims nakapaloob sa 2024 budget

MANILA, Philippines- Nasa P6 bilyong dagdag na pondo bilang kompensasyon sa Marawi siege victims ang nasa unprogrammed appropriations sa 2024 national budget, ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

Ayon kay Pimentel, ang nasabing alokasyon ay para sa Marawi Siege Victims Compensation Fund.

“The P6 billion is on top of the initial P1 billion in programmed appropriations for the compensation fund in 2023, and another P1 billion in programmed appropriations for the fund in 2024,” ani Pimentel.

Nilinaw naman ni Pimentel na dahil unprogrammed funds ay may mga kondisyon na dapat makumpleto muna bago ito ipalabas, gayunman, tiwala ang mambabatas na mailalaan ang nasabing pondo para sa mga biktima.

“We all want the residents of Marawi to heal and succeed in rebuilding their lives, and we all want the city to fully recover and prosper,” giit ni Pimentel.

Taong 2017 nang maging ground zero ang Marawi sa limang buwang labanan sa pagitan ng government troops at Islamic State.

Sa ilalim ng Marawi Siege Victims Compensation Law na inaprubahan noong 2022 ay dapat makatanggap ng compensation ang lawful property owners para sa naging pinsala ng kanilang mga ari-arian.

Sa ilalim ng batas, ang damaged structures ay babayaran ng P12,000 per square meter kung ito ay gawa sa konkreto, P9,000 naman kung magkahalong gawa sa kahoy at semento at P6,000 kung gawa sa light materials.

Ang mga naulila naman o namatayan ay dapat makatanggap ng P350,000.

Sa ilalim ng datos, nitong 2023 ay nasa 4,762 claimants na ang nabigyan ng kompensasyon na aabot na sa P17 billion ang naipalabas na pondo.

Una nang ipinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) na ang unprogrammed appropriations ay “standby funds” na hindi awtomatikong maipalalabas maliban na lamang kung nakuha ang mga kondisyon gaya ng kapag ang gobyerno ay nakakuha ng mataas na buwis o dagdag na non-tax revenues.

Sa 2024 budget, ang unprogrammed funds ay nasa P731.4 billion. Gail Mendoza

Previous articleMga Pinay kinilala ng DAR
Next articleKontrata sa pest control, cleaning firms rerebyuhin ng MIAA