MANILA, Philippines- Ipinahayag ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na posibleng kanselahin nila ang mga kontrata nito sa mga pest control at housekeeping service providers sa oras na mapatunayang hindi nila nagawa nang maayos ang kanilang trabaho.
Nakatakdang magpulong ngayong araw ng Lunes ang MIAA kasama ang mga service provider para sa bawat isa sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport (Naia) upang suriin ang kanilang performance at track record.
Ayon kay MIAA Head Executive Assistant Chris Noel Bendijo, sakaling mapatunayang may kapabayaan sa kanilang bahagi ang mga nabanggit na service providers ay agad nilang pag-aaralan kung kailangan nilang kanselahin ang kanilang mga kontrata dito.
Aniya, inatasan siya ng MIAA General Manager na si Eric Ines na magsagawa ng masusing pagsusuri sa lahat ng mga kontrata, obligasyon, proof of work at mga performance indicators ng kanilang mga service provider.
Ang naturang hakbang ay matapos mag-viral ang NAIA kasunod ng mga reklamo noong nakaraang linggo ng ilang pasahero tungkol sa pagkagat ng mga surot at sinundan pa ng magkahiwalay na nakitang daga at ipis na gumagala sa mga pangunahing paliparan sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ng mga opisyal ng MIAA na makikipagpulong din sila sa mga medical at quarantine personnel ng NAIA tungkol sa mga hinala na ang mga surot na natagpuan sa rattan at metal gang chair ay nanggaling sa ibang bansa.
Bilang tugon sa mga reklamo tungkol sa mga surot, iniutos ni Ines ang permanenteng pag-pullout ng mga infested na rattan at metal chair sa mga waiting area sa Terminals 2 at 3, kung saan sinabi ng mga pasahero na sila ay nakagat.
Sa isang pahayag noong Pebrero 28, humingi din ng tawad ang MIAA sa publiko sa nakakahiyang sitwasyon at nagbigay ng katiyakan na hindi na mauulit ang insidente.
Ngunit makalipas ang isang araw, nakuhanan ng video ng mga pasahero ang isang daga na tumatakbo malapit sa kisame ng Terminal 3 Gate 102 at isa pang video na may ipis na gumagapang sa upuan sa departure area sa parehong terminal.
Ayon sa mga opisyal ng MIAA, nagmula ang daga at ipis sa mga food concessionaires at restaurant sa loob ng airport.
Sinabi ni Bendijo na para matugunan ang problema, iniutos ni Ines ang pagbili ng mas maraming upuan.
Inihayag ng pamunuan ng MIAA na nais nilang lutasin ang isyu ng peste bago ang inaasahang pagdami ng mga pasahero bago ang Semana Santa. JAY Reyes