MANILA, Philippines – Kritikal ang isang kargador matapos pagsasaksakin ng payong ng kanyang katrabaho sa Parola Compound, Maynila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman umano ang biktima nang umuwi ang suspek na kanyang katrabaho at kapitbahay.
Nag-ugat umano ang insidente ng dalawa nang pagbintangan ng biktima ang suspek na dinuraan ang kanyang tsinelas.
Nauwi sa away at pisikalan ang dalawa matapos gumanti ng dura ang biktima sa suspek.
Kasunod nito, nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na makakuha ng sirang payong sa. basurahan saka sinaksak sa dibdib ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Tinangkang tumakas ng suspek matapos ang insidente ngunit naaresto rin ng mga awtoridad.
Sa ulat, dati na umanong may alitan ang dalawa dahil sa palaging pagdudura ng suspek sa harap ng bahay ng biktima.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)