MAYNILA — Arestado ang isang 25-anyos na babae dahil sa pagbuhos ng gaas at pagsilab sa kapitbahay na pinaghinalaan niyang kabit ng mister.
Ayon sa pulisya, kasalukuyang natutulog ang biktima nang gawin ng suspek ang krimen noong Hulyo 26 sa Tondo, Maynila.
“Sobrang galit nga po. Mahal ko ang mister ko kahit ganon pa man. Ayokong magkaroon ng broken family yung mga anak ko,” ayon sa suspek.
“Binuhusan ako ng gas habang natutulog ako. Sinindihan niya ako sa ulo. Lumiyab po ako. Tumatalon ako sa sobrang sakit, umaapoy na po ako… Humihingi na ako ng saklolo,” anang biktima na nagtamo ng mga sunog sa kamay, leeg at ulo.
“Hindi kami magkasama sa hotel na pinagkakalat niya. Ako daw po nakita niya, eh noong araw na yon nasa bahay kami ng asawa ko,” dagdag pa ng biktima
Ayon sa Manila Police District (MPD), hindi rin ito ang unang pagkakataon na tinangkang patayin ng suspek ang pinagseselosan niyang mga babae.
Inireklamo na ito noong 2022 dahil naman sa pananaksak ng basag na bote sa isa pang babae. Pinaghinalaan rin niyang may relasyon ang biktima sa kanyang asawa. RNT