Home OPINION DAHIL SA INIT

DAHIL SA INIT

DELIKADO  na talaga ang sobrang init ng panahon natin ngayon.   Hindi na normal ang mga naitatalang “heat index” o mga ramdam na init sa Metro Manila at marami pang mga malalaking lunsod sa ibang panig ng bansa.   Dito sa Metro Manila, Pasay ang laging topnotcher, habang Dagupan, Aparri, Roxas City, Iloilo City at Zamboanga City ay kumukulo rin sa sobrang init.

Sa tantya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration o PAGASA, hindi pa ito ang mga pinakamainit na mararamdaman.   Naglalaro sa gitna ng 42°-46° Celsius ang inaasahang heat index, base na rin sa temperatura na 30°-34°, at maari pa itong tumaas habang papalapit ang gitna ng Mayo. Nasa delikadong antas o “Danger Level” na ito sa talaan ng PAGASA. Tandaan natin na ang katawan ng tao ay nilalagnat na ‘pag pumatong sa 37° ang temperatura natin.

Makinig tayo sa babala ng mga eksperto.   Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa gitna ng matinding init, kabilang na ang pag-iwas sa paglabas ng bahay lalo na sa mga oras na pinaka-mainit, tulad ng alas-dose ng tanghali hanggang alas-dos ng hapon. Dahil nga rito lampas 6,000 eskwelahan ang nagsuspinde ng mga pasok nila nitong mga nakaraang araw, kasama na ang mahigit 400 na paaralan sa Metro Manila.

Hindi lang sa edukasyon ang epekto nang di-pangkaraniwang init na ito.   Pwede ring magkaroon ng heat wave at masama ang tama nito sa mga bulnerableng sektor na kabilang ang nakatatanda, mga buntis at mga maysakit sa paghinga tulad ng hika, pulmonya, TB at iba pa.

Kahit ba malusog at normal ang pangagatwan ng isang tao, pahirap pa rin ang mainit na panahon kung ikaw ay bumabyahe sa masikip na tren o jeep, o hindi ka naman naka-aircon sa pinagtatrabahuan mo.   Naisulat ko na rin kamakailan ang epekto ng El Nino sa agrikultura at supply ng pagkain at tubig natin.

Senyales na ito na public emergency na at malinaw na bahagi ng mga negatibong epekto ng nagbabagong klima.   Kailangang linawin ng gobyerno kung ano ang kagyat at pangmatagalan na tugon  sa tumitinding init ng panahon.

Kung hindi, ay baka uminit ang ulo ng mga tao, at mag-alburoto ang mga ito, dahil sa kawalang kwenta ng gobyerno.