Home OPINION SENIORS KINAKALINGA NI PBBM

SENIORS KINAKALINGA NI PBBM

NAGSIMULA na ang payout sa matatanda sa pamamagitan ng buwanang stipend mula sa Department of Social Welfare and Development na itinaas ngayon taon sa P1,000.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, sa pamumuno ng ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay umabot sa P49.807 bilyon ang inilaan ng Department of Budget and Management para sa 100 porsyentong pagtaas ng social pension ng seniors kung saan dating P500 lang ang buwanang natatanggap ng bawat  senior na kabilang sa programang ito ng DSWD.

Inihayag mismo ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na iniutos ni Pangulong Bongbong na iangat ng doble ang monthly stipend ng matatandang walang tinatanggap na anomang ayuda mula sa alinmang ahensya upang pambili ng pang araw-araw na pangunahing pangangailangan ng mga ito.

Ramdam na ramdam ni Panglong Marcos ang kalagayan ng mga senior lalo na ang nakararanas ng iba’t-ibang klase ng karamdaman kung saan kinakain lang ng mga gamot ang natatanggap na stipend.

Batid natin na maliit na halaga lang ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan subalit kahit paano ay maitatawid na rin ang pangangailangan ng matatandang walang inaasahang tulong mula sa kanilang kapamilya maliban sa social pension ng DSWD na karamihan ngayon ay downloaded na ang pondo sa lokal na pamahalaan at ang mga kawani nito ang naatasang magbigay sa seniors ngunit sa ilalim pa rin ng superbisyon ng ahensya.

Bagaman marami pa rin na seniors ang hindi pa enrolled sa programang ito ng kagawaran bunsod sa limitasyon ng pondo subalit patuloy na hinahanapan ng paraan ng mga ekonomista ng kasalukuyang administrasyon para makalikom ng kwarta upang maisama rin sila.

Higit sa lahat, sa panahon lang ni PBBM naging totoo ang dating pangarap at panaginip lang ng matatanda na maingat ang kanilang tinatanggap na stipend.