SA mga ginawang pamamahiya ng mga miyembro ng House Quad Committee sa mga kaalyado ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at mismong sa dating Pangulo sa ginagawa nilang imbestigasyon sa “war on drugs”, inakala nila na maraming tatalikod sa mga ito.
Bagaman nagpaunang salita na si Pangulong Bongbong Marcos na huwag na sampahan ng impeachment case ang kanyang Bise Presidente, tila “nagtaingang kawali” lang ang mga ito at itinuloy pa rin ang plano.
Naunang itinanggi ng mga kaalyado sa Kongreso ni PBBM ang planong “Impeach Sara” subalit may bulung-bulungan pa rin na tila itutuloy ito ng mga mambabatas. Ang hinala ay tumindi nang magkaroon ng fellowship sa Malacanang si PBBM, House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas.
Pero mukhang mauunsyami ang plano sapagkat may pagkilos ang Iglesia Ni Cristo at Kingdom of Jesus Christ na pumapabor sa mga Duterte. Siyempre, nakabog ang may pakana ng lahat ng paninira at pamamahiya sa mga Duterte at kanilang mga kaalyado.
Alam naman ng nakararami na maimpluwensiya ang INC sa lahat ng sektor ng pulitika. Hindi maitatangging kinikilala sila hindi lang ng presidente, senador, kongresista, gobernador, bokal, mayor, konsehal, kabesa de barangay, kagawad at kahit hanggang tanod.
Sa madaling salita, kopo nila lahat. Kaya naman iniingatan ng mga politiko ang posisyon ng INC kapag eleksyon.
Kaya naman iyong politikong naghahangad ng mataas na posisyon ay biglang napaisip kasi nga kapag kumontra siya, tiyak na sira ang ambisyon nya at tiyak na sa kangkungan siya pupulutin.
Eh sasabay pa sa INC ang KOJC na sikat naman sa Visayas at Mindanao, kaya paano na ang political career ng politikong ito?
Hindi bale malakas naman siya sa mga media na hawak-hawak niya at takot sa kanya.






