ALAM ba ninyong kasama ang Pinas ng mga bansang pinaggagawan ng surrogacy?
Lumutang nang husto ang usaping ito ngayong may ibinilanggong 13 Pinay na buntis sa surrogacy sa bansang Cambodia.
Surrogacy ang tawag sa pagtatanim sa matres ng isang babae ng pinagsamang semilya at itlog ng isang mag-asawa na hindi magkaanak sa anomang dahilan.
Kung hindi naman, semilya lang ang itatanim.
Pagkaraang manganak ang babae, kukunin ng mga nagpatanim ang baby.
Ligal ang surrogacy sa Ukraine, Georgia, United States, Canada, Spain, Colombia, Mexico, India at Laos.
Wala namang batas sa surrogacy ang Pinas ngunit sinasabing popular ito sa buong mundo na pupwedeng paggawan nito.
Sa katunayan, may mga sikat ngang personalidad na may mga anak sa bisa ng pagbubuntis na ito at tanggap lang naman ng mga Filipino.
Para sa mahihirap na Pinay, oks na sa kanila ang P500,000 cash at libreng pag-aalaga habang buntis at panganganak sa ospital.
Ito ngang mga halaga at kondisyon ang nagbunsod sa 13 Pinay na maging nanay ngunit nakabilanggo ngayon sa Cambodia.
Minalas lang sila dahil krimeng human trafficking doon ang surrogacy batay sa pagbebenta ng anak at may parusang 15-20 taong pagkakulong ito.
Nagawan lang ng paraan ng mga abogado na mapagaan ang parusa sa 4 taong pagkakulong at pagkatapos ide-deport na sila sa Pilipinas.
Ayon sa ating mga awtoridad, maaaring kunin nila ang mga bata at ipaaalaga sa Department of Social Welfare and Development at National Authority for Child Care sa katwirang Filipino ang mga ito dahil Filipino ang mga ina.
Maaari namang hayaang lumaki ang mga bata sa nag-anak sa kanila o kaya’y ipa-adopt sa iba.
‘Yan ay kung papayag ang Cambodia na ibigay ang mga batas sa Pilipinas.
Kahirapan at kagutuman ang nagtutulak sa mga Pinay bilang surrogate mothers at sinasamantala sila ng iba.
‘Yang mga magnanakaw sa gobyerno ang nagtutulak sa kahirapan at kagutoman ng mga Pinay surrogate, paano kaya sila pagsisisibakin sa pwesto?






