MANILA, Philippines – Lalong tumibay ang ugnayan ng Pilipinas at EStados Unidos dahil sa personal na relasyon ni US President Donald J. Trump kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan, inilarawan n Trump ang kasalukuyang ugnayang bilateral ng Washington at Maynila bilang “mas malapit kaysa kailanman.”
Aniya, malaking bahagi ng pagpapatibay ng matagal nang alyansa ng dalawang bansa ang personal na magandang relasyon nila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati sa ASEAN-US Special Summit na ginanap sa Maynila, sinabi ni Trump na higit pang pinatibay ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyon sa larangan ng depensa. Kabilang dito ang mga planong palawakin ang magkasanib na pagsasanay ng Special Forces at pagtutulungan sa modernisasyon ng kanilang mga kagamitang pandepensa.
“But I don’t think we’ve ever been closer than we are right now because of our personal relationship,” ayon kay Trump.
Inilarawan din niya ang Pilipinas bilang isang mahalagang kaalyado ng Estados Unidos at muling tiniyak ang pangako ng Washington na suportahan ang mga kasosyo at kaalyado nito sa Timog-Silangang Asya at rehiyong Indo-Pacific.
Magkaalyado sa ilalim ng isang kasunduang pangdepensa ang Pilipinas at Estados Unidos, at ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-80 anibersaryo ng kanilang diplomatikong ugnayan.
Samantala, ipagdiriwang naman ng ASEAN at Estados Unidos sa 2027 ang ika-50 anibersaryo ng kanilang ugnayang pandiyalogo.
“We support our partners and our allies 100 percent. And when there’s a problem, you call me,” ang winika ni Trump sa mga ASEAN leaders.
Sa kabilang dako, pinuri rin ni Trump si Pangulong Marcos sa kanyang pamumuno bilang tagapangulo ng ASEAN ngayong taon at nagpasalamat sa pagho-host nito sa espesyal na ASEAN-US Summit.
Ayon kay Trump, “maganda ang naging trabaho” ni Marcos.
Katatapos lamang ng Pilipinas sa panunungkulang rotational chairship nito sa ASEAN.
Nakatakdang bumisita si Trump sa Palasyo ng Malacañang sa Miyerkules upang magsagawa ng bilateral na pagpupulong kasama si Marcos.
Ang Pilipinas ang unang destinasyon sa tatlong araw na paglalakbay ni Trump. Mula rito, tutungo siya sa Shenzhen para sa isang makasaysayang tatluhang pag-uusap tungkol sa usaping nukleyar kasama sina Pangulong Xi Jinping ng China at Pangulong Vladimir Putin ng Russia, sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Ayon kay Trump, posible rin ang isang pagpupulong nila ni Kim Jong Un, ang lider ng North Korea.
Nakatakda ring bumiyahe si Pangulong Marcos patungong Shenzhen upang dumalo sa APEC Summit. (KRIS JOSE)