CAVITE- Hinarang at sinaksak ang isang 17-anyos na papasok sa paaralan ng isang lalaking suspek sa Barangay Buenavista 1, General Trias City, nitong Miyerkules ng umaga.
Pinalo umano ng suspek ang biktima sa ulo at hinila patungo sa damuhan sa gilid ng kalsada, ayon kay General Trias Component City Police Station (CCPS) chief investigator Chief Master Sergeant Brendo Llanda nitong Biyernes.
Nang sumigaw ang biktima upang humingi ng tulong at makuha ang atensyon ng saksi, natakot umano ang suspek at sinaksak ang biktima gamit ang kutsilyo bago tumakas.
Dinala sa ospital ang biktima.
Ayon kay Llanda, hindi pa nila nakakapanayam ang biktima dahil inoobserbahan pa ito sa ospital.
Samantala, iniimbestigahan na ng General Trias CCPS ang insidente at ikinakasa ang kaso laban sa person of interest.
Hindi pa matukoy ang motibo sa likod ng krimen, subalit malabo umanong robbery holdup ito dahil walang kinuhang gamit ng biktima ang suspek.
Hindi naman inaalis ang posibilidad na rape ang motibo sa kaso. RNT/SA