Home NATIONWIDE Bata ni PBBM nakikipag-alyansa sa Kaliwa, Dilawan vs Duterte – Bato

Bata ni PBBM nakikipag-alyansa sa Kaliwa, Dilawan vs Duterte – Bato

MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nakikipag-alyansa ang ilang opisyal ng Marcos administration upang idikdik si dating Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang kaalyado ng dating administrasyon.

Sinabi ni Dela Rosa na makikita sa pinakahuling pagkilos ng ilang hepe ng mga ahensya ng gobyerno na nagkakaisa ang tinutumbok sa miyembro ng Makabayan bloc at dating Senador Antonio Trillanes IV, na ikinokonsiderang “Dilawan” o Liberal Party.

“There seems to be, and I can really feel it, there is an alliance with this government, ‘yung mga makakaliwa at mga yellow. Nagkakasama-sama na sila just to pin down the Duterte people,” ayon kay Dela Rosa, kaalyado ni dating President Duterte.

Lumitaw ang pahayag ni Dela Rosa sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng Kamara sa kaugnayan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa extrajudicial killings (EJKs) na nangyari sa drug war ng Duterte administration.

“Sinong ginamit nila para tirahin ‘yung kuwan ni [Vice President Sara Duterte], intelligence funds ng Office of the Vice President at ng DepEd? ‘Di ba ‘yung mga Makabayan bloc? Sino ang ginamit nila para maghanap ng witness na bumaliktad, mag-execute ng affidavit laban sa amin ni Pangulong Duterte sa [International Criminal Court]? ‘Yung attack dog na si Trillanes, ginamit nila,” aniya.

“So that seems to be an alliance between this government, the left and the yellow. Ang daming issues na nakikita natin na medyo nag-a-alliance sila. That’s my only impression…my personal opinion,” dagdag ng senador.

Hindi naman matiyak ni Dela Rosa kung si Pangulong Marcos ang nag-uutos sa kanyang tauhan na kumilos laban kay Duterte.

“I cannot categorically say na sa kanya nanggagaling ang instruction, but people around him are doing that. I don’t know kung pinapaikutan nila ang pangulo o ang pangulo mismo ang nagbigay ng instruction na ganon ang gagawin,” giit ni Dela Rosa.

“You can just imagine yung kanyang NICA Director General na si [Ricardo] de Leon working with Trillanes to get an affidavit against Duterte para sa ICC. So that is his people… Pag sinabing people from this government that includes the Secretary of Justice (Crispin Remulla), that includes the Solicitor General (Menardo Guevarra) na parang nagbabago ang stand nila as against to the very firm stand ng presidente na sinasabi niyang policy statement as far as ICC is concerned,” patuloy niya.

“I just don’t know what’s behind the scenes,” giit pa niya.

Sa kanyang privilege speech nitong nakaraang linggo, kinuwestiyon ni Dela Rosa ang huling pahayag nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Solicitor General Menardo Guevarra hinggil sa nangyayari sa ICC investigation laban sa drug war ng Duterte administration.

Ibinulgar din ni Dela Rosa na nakikikipag-usap umano sina Trillanes at National Intelligence Coordinating Agency Director General Ricardo De Leon sa ilang retirado at aktibong opisyal ng pulis na iniimbestigahan ng ICC.

Ayon kay Dela Rosa, mayroon siyang “A-1 information” na hinimok nina Trillanes at De Leon sa harap ni Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang dating police officials na magbigay ng execute affidavits na isangkot siya at si Duterte.

Pinabulaanan ni Trillanes ang akusasyon ni Dela Rosa sa pagsasabing hinihimok niya ang ilang saksi na tumestigo laban sa kanya at kay Duterte noong pang 2017.

Itinanggi din ni De Leon na ginigipit nito ang ilang opisyal ng pulisya na tumestigo laban kay Duterte at Dela Rosa sa ICC.

Umaasa naman si Dela Rosa na paninindigan ng Senado ang kalayaan nito bilang equal branch ng gobyerno kapag pumayag ang Palasyo na ihain ang warrant of arrest mula sa ICC laban sa kanya.

“Dapat manindigan ang Senado as a separate and independent entity…Hindi naman sa hindi papayag na hindi maaresto. Just in case, worse comes to worse, kung ang Malacañang ay ultimately mag-decide otherwise from what we are expecting, I hope that the Senate will not bow down its head to the Executive Branch of government,” aniya. Ernie Reyes