(Screengrab from Railfans of the Philippines FB Page)
MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang long-awaited deployment ng Dalian trains para sa commercial use sa Metro Rail Transit (MRT) 3, halos isang dekada matapos bilhin ng gobyerno ang train sets.
“This is the first day that these Dalian trains are finally in service — mula noong binili, hindi pa nagamit ito,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Nakuha ng Pilipinas ang 48 light rail vehicles noong 2014 mula sa CCRC Dalian Co., subalit dahil sa technical compatibility issues ay napigilan ang operasyon ng mga ito sa MRT-3 system.
Matapos ang ilang taon na pagkakaimbak, tanging tatlo na lamang sa nasabing train sets — binubuo ng siyam na coaches — ang handa na ngayong gamitin.
“Ngayon pa lang, three trains na tatlong karwahe. So, nine nitong cars na ito… tuloy-tuloy natin na titingnan at gagawan ng paraan para magamit dahil sampung taon nakaparada ito eh,” ayon sa Pangulo.
Ang pagbabago sa mga tren ay ginawa nang walang bayad sa gobyerno ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, pinangasiwaan naman ng German firm TUV Rheinland ang full technical audit, habang ang kasalukuyang maintenance provider ng MRT-3, Sumitomo Corporation ng Japan, nagsagawa ng pinal na safety checks.
Sa oras na ang lahat ng 48 Dalian cars ay na-deploy, inaasahan na tataas ang kapasidad ng MRT-3, na may pinababang mga agwat sa pagitan ng mga tren mula apat na minuto hanggang sa kasing baba ng 2.5 minuto.
Samantala, sa kasalukuyan, ang MRT-3 ay nagsisilbi sa 380,000 padsahero araw-araw.
“Kaya nakakatuwa naman. Hindi naman nasayang ang ating pondo,” ang pagmamalaki ng Pangulo. Kris Jose