ZAMBOANGA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas handa na ngayong ang mga magsasaka sa Barangay Bacao, Malangas, Ipil sa pag-aalalga ng kanilang pananim matapos makatanggap ng mahalagang tulong mula sa DAR.
Ito’y matapos masayang tinanggap ng mga miyembro ng Bacao Farmers Rice and Corn Mills Association (BAFARICOMA)—na binubuo ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs)—ang isang solar-powered irrigation pump at organic plant supplements na makakatulong sa pagpapabuti ng kanilang ani at pagbawas ng gastusin sa pagsasaka.
Ang proyektong ito na nagkakahalaga ng ₱400,000 ay pinondohan sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Community (SuRe-ARC) Project sa pamamagitan ng Program Beneficiaries Development Division (PBDD) ng DAR.
Para sa mga ARB, malaking tulong ang solar-powered pump lalo na tuwing tagtuyot kung kailan mahirap ang suplay ng tubig. Dahil gumagamit ito ng enerhiyang mula sa araw, nababawasan din ang kanilang gastos sa kuryente o gasolina. Samantala, ang organic plant supplements ay makakatulong sa pagpapanatili ng matabang lupa at mas sustenableng produksyon.
Kaugnay nito ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Dimalotang M. Guiling II, layunin ng tulong na ito na gawing mas episyente ang pagsasaka at matulungan ang mga ARBs na makasabay sa mga pagbabago sa kapaligiran.
Lubos ang pasasalamat ng BAFARICOMA dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ng suporta ang Barangay Bacao mula sa DAR. Nangako rin ang samahan na aalagaan at pamamahalaan nang maayos ang kagamitan upang mas maraming magsasaka ang makinabang sa hinaharap.
Bilang bahagi ng kanilang plano, naghahanda na rin ang samahan na maging isang kooperatiba—isang hakbang na magpapalakas sa kanilang organisasyon at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kanilang kabuhayan.
Samanala pinangunahan ang turnover nina PARPO I Noemi P. Barretto, kasama sina Hepe ng PBDD Romulus M. Perez at Municipal Agrarian Reform Program Officer Verlito D. Caragan, at aktibong nakibahagi ang mga miyembro ng ARBs—patunay ng patuloy na pagsisikap ng DAR na maghatid ng konkretong tulong sa mga komunidad ng magsasaka. (Santi Celario)