MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador JV Ejercito nitong Martes na pinakamalaking hamon sa pagbabalik sa Pilipinas ni Zaldy Co ay ang pagtiyak sa kanyang kaligtasan, dahil may mga grupong maaaring tumutol sa kanyang pagbabalik at testimonya sa umano’y “floodgates scandal.”
Ang pahayag ay ginawa kasabay ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibabalik si Co sa bansa upang harapin ang imbestigasyon.
Ayon kay Ejercito, dapat maibalik si Co “at all costs” dahil mahalaga umano ang kanyang nalalaman sa isa sa pinakamalaking kaso ng korapsyon sa bansa.
“The challenge here is to bring him back in one piece. There might be others who do not wish that he be brought back in the country,” ani Ejercito, at idinagdag na maraming contractor ang posibleng matakot sa kanyang pagbabalik.
Sinabi rin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na iimbitahan ng Senate blue ribbon committee si Co upang magbigay ng testigo sa imbestigasyon sa umano’y flood control anomalies.
Tugon naman sa Malakanyang na titiyakin ng gobyerno na ligtas at ibibigay ang kinakailangang proteksyon kay Zaldy Co sa oras na mapauwi na ito sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na si Co ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Czech Republic, at ang mga awtoridad ng Pilipinas ay nakikipagtulungan sa Czech authorities upang ayusin ang pagbabalik ni Co sa Pilipinas.
Si Co, ang dating chair ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ang pambansang badyet ng Pilipinas, ay nasangkot sa diumano’y mga iregularidad kaugnay ng flood control projects.
Siya ay idineklarang pugante na tumatakas mula sa hustisya matapos mabigo na magpakita sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan, na nag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya at iba pang mga tao noong Nobyembre 2025 dahil sa diumano’y mga iregularidad sa multi-million road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro. RNT/MND/KRIS JOSE