MANILA, Philippines- Naghain si Vic Sotto ng 19 counts ng cyberlibel laban sa direktor na si Darryl Yap nitong Huwebes kasunod ng paglalabas ng film teaser tampok ang yumaong aktres na si Pepsi Paloma, na binanggit ang pangalan ni Sotto.
Kinumpirma ng legal counsel ni Sotto na si Atty. Enrique Dela Cruz na isinampa ang kaso laban kay Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).
Dumating ang aktor at host sa Muntinlupa Regional Trial Court kasama ang kanyang asawang si Pauleen Luna.
Sa teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma,” tinanong ang aktres na gumaganap na Paloma kung ginahasa siya ni Vic Sotto.
Sumagot naman ng oo si Paloma.
Sa panayam, sinabi ni Sotto na nanahimik siya tungkol sa viral videos subalit nagdesisyong humanap ng hustisya. “A lot of people have been asking me, ‘ano reaction mo?’ Ito na po yun. Ito na po yung reaction ko. Sabi ko nga eh, ito’y walang personalan ito, i just trust in our justice system. Ako’y laban sa mga irresponsableng tao lalo na pagdating sa social media.”
Base kay Sotto, walang komunsulta sa kanya mula sa movie production. “Walang kumunsulta, walang nagpaalam, walang consent.”
Subalit, aniya, wala siyang sama ng loob sa mga aktor na bahagi ng pelikula sa pagsasabing, “wala, trabaho lang yon, no problem.”
Mensahe naman ni Sotto kay Yap: “Happy new year.”
Samantala, komento naman ni Yap sa reklamo ni Sotto sa pamamagitan ng kanyang Facebook page nitong Huwebes: “Kalayaan ng kahit sino ang magsampa ng reklamo. Walang may monopolyo sa katarungan, lalo na sa katotohanan. Malaya ang sinuman na magsampa ng reklamo, para mas maging malinaw ang totoo. Dahil sa huli, katotohanan lang ang depensa sa lahat ng katanungan.”
“Nagsinungaling ba ang teaser? Ang sagot ay wala sa litrato. Ito ay nasa maraming lathalain, ito ay nasa mga naburang bidyo, ito ay nasa mga lumang dyaryo. Alam nang mga nakakaalam noon, at alam na ng mga nagtatanong ngayon,” dagdag ng direktor.
“Delia, Pepsi— Babalik tayo sa Korte; ang Pilipino sa sinehan,” pagtatapos niya sa nasabing post, tinutukoy ang tunay na pangalan ni Paloma na Delia Dueña Smith.
Sa hiwalay na Facebook post, nag-repost si Yap ng mga larawan ni Sotto na naghahain ng kaso laban sa kanya sa korte.
“PEPSI GOES BACK TO COURT,” ayon sa caption ng direktor.
Agad na ipinaag-utos ng Muntinlupa RTC ang film trailer. RNT/SA