MANILA, Philippines- Posibleng abutin ng 16 oras o higit pa ang Traslacion ngayong taon kumpara noong 2024 na natapos sa loob ng halos 15 oras.
Paliwanag ni Manila Police District Director Arnold Thomas Ibay, ito ay dahil na rin sa mabagal na pag-usad ng Andas.
Bunsod ito ng mga deboto na pilit sumasampa sa Andas na ilang beses ding nagpaikot-ikot ang Andas sa bahagi ng Ayala Boulevard bago makaakyat ng Ayala Bridge.
Tumagal din ang usad ng Andas sa mga kalye sa loob ng Quiapo kung saan natatangay ito sa gilid ng kalsada.
Ayon kay Ibay, kumpara noong nakaraang taon, mas maagang nakarating ng isang oras sa Quezon Blvd. sa Palanca.
Umaasa naman si Ibay na magiging ligtas ang lahat ng sumama sa Traslacion dahil ito ang concern ng kapulisan at hindi ang bilis ng Traslacion.
Kung ligtas naman aniya ang lahat ng sumama sa prusisyon ay mas maganda ito kahit pa tumagal ang Traslacion.
Pagdating sa Bilibid Viejo, hindi pa batid ang bilis ng usad ng Andas dahil nakadepende pa ito sa buhos ng mga deboto na sasalubong sa Andas. Jocelyn Tabangcura-Domenden