Home NATIONWIDE Ilang local government officials kinasuhan sa POGOs – PAOCC

Ilang local government officials kinasuhan sa POGOs – PAOCC

MANILA, Philippines- May ilang local government officials ang kinasuhan dahil sa presensya ng Philippine Overseas Gaming Operations (POGOs) sa kanilang lokalidad.

Sa katunayan, inanunsyo ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz na sinampahan ng kaso ang mga local executive dahil sa kanilang kapabayaan at pagkabigong tugunan ang paglaganap ng POGO activities sa kanilang hurisdiksyon.

Binigyang-diin ni Cruz na hindi pwedeng idahilan ng mga lokal na opisyal ang kawalang-malay lalo pa’t ang mga operasyon ay madalas na aktibo sa loob ng barangay, kung saan dapat lamang na may kamalayan sila sa mga nangyayaring ‘negosyo’ na ito.

“Ang sabi nga ni Presidente, hindi mag-e-exist ‘yang mga POGO operation na ‘yan kung hindi alam ng local government na ‘yan, especially po sa barangay,” ang sinabi ni Cruz sa isang panayam.

“Hindi naman basta tutubo ‘yan parang kabute, na parang kinabukasan ay may biglang tumubo doon,” dagdag na wika nito.

Gayunman, hindi naman idinetalye ni Cruz kung ilang lokal na opisyal ang kinasuhan.

Samantala, sinabi ni Cruz na pananagutin din ang mga nagmamay-ari ng establisimyento kung saan may nagaganap na ‘underground POGO operations.’

Iginiit pa ni Cruz na malinaw ang ibinigay na direktiba sa kanya ni Pangulong Marcos “to work collaboratively” sa iba’t ibang ahensya para talakayin at lutasin ang naturang usapin. Kris Jose