REAL, Quezon — Naniniwala si Vice Mayor at dating Mayor Diana Abigale Diestro-Aquino na nananatili sa tamang direksyon ang pag-unlad ng bayan ng Real kahit nagkaroon ng pagbabago sa liderato, dahil ipinagpapatuloy pa rin ng kasalukuyang administrasyon ang mga programang inilatag sa mga nakaraang taon.
Sa isang ambush interview ng Manila City Hall Press Club sa kanyang tahanan sa Real nitong Linggo, sinabi ni Aquino na hindi nabago ang pangunahing balangkas ng Comprehensive Development Plan ng munisipyo na nagsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa bise alkalde, may ilang maliliit na pagbabago man sa plano, nananatili pa rin ang pangunahing layunin nito na itaguyod ang kaunlaran sa imprastraktura, turismo, serbisyong panlipunan, at pangangalaga sa kalikasan.
“Hindi naman talaga nagbago ang Comprehensive Development Plan ng Real. May mga kaunting pagbabago lamang pero ipinagpapatuloy pa rin nito ang mga programang dati nang naisakatuparan,” ani Aquino.
Sinabi niya na ang pagpapatuloy ng mga programa ay mahalaga upang hindi masayang ang mga naunang pagsisikap at pondong inilaan para sa mga proyektong makikinabang ang mga residente.
Binigyang-diin din ni Aquino na ang pag-unlad ng isang bayan ay hindi dapat nakaangkla sa personalidad ng mga pulitiko kundi sa pangmatagalang plano na nagsisilbing gabay ng bawat administrasyon.
Dahil dito, nagpahayag siya ng kumpiyansa na magpapatuloy ang mga proyekto at inisyatibang magpapalakas sa ekonomiya, turismo, at serbisyong pampubliko ng bayan.
Matatandaang nagsilbi si Aquino bilang alkalde ng Real mula 2016 hanggang 2022 bago mahalal bilang bise alkalde. Bago ito, nagsimula ang kanyang karera sa serbisyo publiko bilang Pangulo ng Sangguniang Kabataan Provincial Federation ng Quezon.
Ayon kay Aquino, mahalagang mapanatili ang direksyon ng mga programang pangkaunlaran upang masigurong tuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan anuman ang maging resulta ng halalan.
“Ang mahalaga ay nagpapatuloy ang mga programang nakakatulong sa mga tao. Ang kaunlaran ay hindi dapat napuputol sa bawat pagpapalit ng liderato,” aniya.
Dahil dito, nananatiling positibo ang dating alkalde na magtutuloy-tuloy ang pag-unlad ng Real habang hinaharap nito ang mga susunod na hamon at oportunidad para sa mas magandang kinabukasan ng mga residente. JAY Reyes