MANILA, Philippines – Pumasok na sa ikalawang araw ang pre-trial conference kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Inaasahang ipagpapatuloy ng House of Representatives prosecution panel at ng defense team ni Duterte ang pagmamarka ng mga ebidensya, habang tatalakayin din ang proseso ng stipulation o mga katotohanang maaaring pagkasunduan ng magkabilang panig.
Sa apat na articles of impeachment na pinag-uusapan, ang ebidensya at mga testigo para lamang sa ikatlong artikulo ang halos napagkasunduan na ng magkabilang kampo.
Noong unang araw ng pre-trial conference, nagkaroon ng mainit na palitan ng argumento ang prosecution at defense panel, bagamat iginiit ng dalawang panig na normal lamang ito sa ganitong uri ng pagdinig.
Matatandaang sinabi ni defense lawyer at spokesperson Michael Poa na umaasa ang kampo ni Duterte na matatapos ang pre-trial conference sa pinakamaagang panahon.
Samantala, sinabi ni House prosecutor Rep. Chel Diokno na inaasahan nilang matatapos ang pre-trial conference ngayong Lunes o sa pinakahuli ay sa Martes, June 23.
Layunin ng pre-trial conference na pagtibayin ang mga katotohanan sa kaso, pasimplehin ang mga isyu, markahan at resolbahin ang mga pagtutol sa ebidensya, tukuyin ang mga testigo, at itakda ang petsa at pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng mga ebidensya sa paglilitis.
Ang pormal na impeachment trial ni Duterte ay itinakda sa Hulyo 6, maliban na lamang kung mababago ang iskedyul sa panahon ng pre-trial conference. Gail Mendoza