MANILA, Philippines – Hindi naging dahilan ng pagsisimula ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Vice President Sara Z. Duterte ang mga opinion column na dati nang naisulat ni Atty. Melvin Matibag bago pa man siya maging NBI director, ayon kay House trial spokesperson Zia Adiong.
Ipinaliwanag ni Adiong na bago pa man manungkulan si Matibag sa NBI ay mayroon nang naunang naisagawa na preliminary investigation sa grave threats ni VP Sara laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sa ika 8 araw ng impeachment trial ay kinuwestiyon ng panig ng depensa si Matibag hinggil sa mga kritikal na kolum na isinulat nito bago pa pa naging NBI Director.
“When he was writing for the Daily Tribune, he was there as an opinion writer. And precisely the reason why he was hired is to share his opinion,” paliwanag ni Adiong.
Naging pribadong komentarista lamang si Matibag noong nailathala ang mga naturang sanaysay, at wala pa itong hawak na kapangyarihang mag-imbestiga bilang NBI director.
“And that is his opinion. And that is within the bounds of the law,” dagdag pa nito.
Samantala, sinabi ni House prosecutor Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na nilinaw ni Matibag na hindi naapektuhan ang kanyang gawain bilang hepe ng NBI dahil sa mga pananaw na ipinahayag niya sa nakaraan.
“Ang mahalaga naman po nag-clarify siya na hindi ito nakakaapekto doon sa kanya pong trabaho bilang head po ng NBI,” ani Ridon.
Una nang iniharap ng depensa ang 3 column ni Matibag kung saan tinawag nitong “bratinella” si VP Sara ngunit nilinaw nito na ang tawag na bratinella ay hindi nanggaling sa kanya bagkus mula mismo sa ama nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Gail Mendoza