ILOCOS SUR, Philippines – Swak sa kulungan ang isang 72-anyos na lalaki na dating empleyado ng DENR matapos na makarekober ang mga awtoridad ng 2 klase ng baril, mga bala, at hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon ng pulisya nitong madaling-araw ng Sabado, Oktubre 18.
Sa isinumiteng ulat ng San Juan Municipal Police Station sa Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO), ang suspek ay isang Drug Surrenderee, may asawa, retired DENR employee, residente ng San Juan, Ilocos Sur.
Nagsimula ang implementasyon ng search warrant laban sa suspek bandang 5:30 ng umaga at natapos ito dakong 8:15 ng umaga, sa pangunguna ng San Juan MPS katuwang ang RID, ISPIU/PDEU, at 3rd platoon 1st ISPMFC.
Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska ng mga awtoridad ang eleven (11) na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, gayundin ang iba’t ibang mga gamit tulad ng mga improvised glass tooters, foil at straw scoop.
Tinatayang tumitimbang ng 0.69 gramo ang hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P4,692.00 ang narekober ng mga awtoridad.
Bukod dito, nakarekober din ang mga awtoridad ng baril at mga bala tulad ng isang cal. 45 ARMSCOR pistol with magazine na may kargang pitong live ammunitions, isang 12-gauge pistol, tatlong bala ng cal. 45, walong bala ng cal. 38, at mga iba pang kagamitan gaya ng holster, commando matches, at lighter.
Isinagawa ang inventory at markings ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng suspek at nga mga mandatory witnesses. Rolando S. Gamoso