Home NATIONWIDE Dating mayor ng bayan sa Quezon wanted sa illegal recruitment

Dating mayor ng bayan sa Quezon wanted sa illegal recruitment

262
0

MANILA, Philippines – Pinaghahanap ng mga awtoridad si dating General Luna, Quezon Mayor Matt Erwin Florido sa pagkakasangkot nito sa kaso ng illegal recruitment.

Nag-isyu ang Regional Trial Court Branch 96 in Catanauan ng warrant of arrest laban kay Florido at sekretarya nitong si Joma Christina Briones, para sa large-scale illegal recruitment na isang non-bailable offense.

Sumuko na si Briones at isinasagawa ang arraignment.

Ang kaso ay nagsimula matapos na maghain ng reklamo ang 14 na mga umano’y biktima laban kay Florido, sa pagsasabing nangako ito ng mga trabaho sa South Korea bilang seasonal farm workers.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Atty. Kath Noveno, legal counsel ng mga biktima, na si Florido ay nagsimulang mag-recruit noong 2021 habang umuupong alkalde ng General Luna.

Ang recruitment ay ipinresenta bilang isang programa ng lokal na pamahalaan na pinangungunahan ni Florido upang magpadala ng seasonal farm workers sa South Korea.

Ipinakilala rin niya ang isang Korean national bilang partner ng programa.

Ipinasa ang municipal resolution na nagpapahintulot kay Mayor Florido na magpadala ng seasonal farm workers sa isang bayan sa South Korea.

“Yung locality provided under the resolution hindi po yun ang locality kung saan dapat ipapadala itong mga seasonal farm workers” ani Atty. Noveno.

Idinagdag pa niya na si Florido ay walang authorization mula sa Department of Migrant Workers para mag-recruit ng mga manggagawa para sa South Korea.

“We tried to get certification from the Department of Migrant Workers if ex-Mayor Florido was indeed authorized to recruit, hindi po siya authorized,” ani Noveno.

Bagamat nagpasa ng mga kaukulang dokumento ang mga biktima at dumalo ng mga orientation, hindi sila nakabiyahe patungong South Korea dahil sa umano’y bigong maabot ang mga qualification.

Sinabi rin na ang mga manggagawa ay inabisuhan umano na ang kanilang mga gastusin sa employment ay ibabalik ngunit hindi tinukoy ni Florido kung paano ito gagawin.

Wala pang tugon ang dating alkalde sa naturang isyu. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here