Home METRO Dating parak na nanita, patay sa bala

Dating parak na nanita, patay sa bala

MANILA, Philippines – BUMULAGTA ang isang dating parak nang pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo na sinita nito sa Caloocan City.

Patay na bago pa man sumapit sa Caloocan Medical Center (MCM) ang biktimang si alyas “Christian”, dating nakatalaga sa Malabon Police Station at residente ng Zamora St. Brgy. 19 sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Sa inisyal na ulat, alas-4:20 ng madaling araw ng Sabado nang sitahin at hingin ng dating pulis ang lisensiya ng isa sa suspek na sakay ng Mio Motorcycle sa harap ng isang bahay-sanglaan sa A. Mabini St. Brgy. 15.

Habang tinatanong ng biktima ang suspek na nakilala sa alyas “Jay” 27, residente ng MLQ St. Lower Bicutan, Taguig City, kung ano ang ginagawa nito sa Libis Nadurata St., biglang sumulpot ang kasama nito na naka-helmet at nakasuot ng pulang t-shirt saka pinagbabaril ng ilang ulit ang dating parak.

Makaraan ang pamamaril, tumakas patungong 10th Avenue ang mga suspek at iniwan ang kanilang motorsiklo.

Ayon sa isang dating kasamahan sa serbisyo ni ‘Christian’, nasibak sa tungkulin ang biktima nang magpasiyang mag-AWOL (absent without official leave) matapos malagay ang kanyang pangalan sa tinutugis noon ng Counter Intelligence Task Force (CITF) na ngayon ay Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), sa kasagsagan ng “Oplan Tokhang”. Merly Iral