MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating PNP chief Nicolas Torre III bilang MMDA General Manager.
Pinalitan ni Torre si Procopio Lipana.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang The Situation Report.
Matatandaang, sinibak sa puwesto si Torre noong buwan ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Batay ito sa isang sulat mula sa Office of the President na pirmado ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang August 25, 2025.
Nakasaad sa naturang dokumento na tinanggal na nga bilang hepe ng pambansang pulisya si Torre ngunit walang nabanggit na dahilan sa pagkasibak niya sa serbisyo.
Nangyari ang sibakan sa gitna ng kontrobersya kaugnay ng personnel reshuffling na ipinag-utos ni Torre, na kinontra ng National Police Commission (Napolcom) sa pamamagitan ng Resolution 2025-0531 noong August 14.
Iniutos ng Napolcom ang pagbawi sa mga bagong appointment na ginawa ni Torre, kabilang ang paglipat kay Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang Area Police Commander sa Western Mindanao at kay Lt. Gen. Bernard Banac bilang Deputy Chief for Administration.
Sa opisyal na pahayag ng Napolcom, ang isinagawang appointment ay hindi dumaan sa en banc approval ng komisyon, na may kapangyarihang administratibo sa ilalim ng Republic Act 6975 o DILG Act.
Si Torre, isang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 1993, ay itinalaga bilang PNP chief noong June 2, 2025. (KRIS JOSE)