MANILA, Philippines – Ayon kina Senate President Tito Sotto at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, walang naganap na “midnight deals” o huling minutong insertions sa dilim sa pag-apruba ng P6.793-trilyong national budget para sa 2026.
Sa kanilang pahayag, sinabi nilang lahat ng bahagi ng budget—mula sa committee briefings, plenary debates, hanggang bicameral deliberations—ay ginawa sa harapan ng publiko, livestreamed at naka-archive para masuri ng mamamayan, media, at auditors.
Binanggit din ng mga lider ng Senado na ang edukasyon ang may pinakamalaking bahagi ng pondo, P1.38 trilyon, o 20% ng kabuuang budget, na susuporta sa learning recovery, mas maayos na silid-aralan, at suporta sa mga guro.
Tiniyak din nila na malinaw at dokumentado ang pondo para sa kalusugan, seguridad sa pagkain, at trabaho, na may realistic timelines at measurable outcomes.
Para sa DPWH budget, sinabi nilang diligence over speed ang prayoridad. Dagdag nila, “Ang budget na ginawa sa liwanag ay mas matibay, at ipagpapatuloy namin ang ganitong standard gamit ang livestreams at posted schedules.” RNT/MND