Home HOME BANNER STORY Datos ng lotto winners nakompromiso; PCSO, DICT nag-iimbestiga

Datos ng lotto winners nakompromiso; PCSO, DICT nag-iimbestiga

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Department of Information and Communication Technology (DICT) ang ulat ng umano’y breach of data ng lotto winners.

Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na natuklasan ang ulat nitong nakalipas na dalawang araw.

Sa isang post noong Miyerkules, binanggit ng Facebook page Philippine Exodus Security na libu-libong lotto winners profiles mula 2016 hanggang 2025 ang nakumpromiso kabilang ang kanilang pangalan, address, phone numbers, IDs at winning numbers.

“Looks like the Philippine Charity Sweepstakes Office never bothered to change their weak-ass password. What a Pathetic. Their mailbox was child’s play—compromised over 5 accounts without breaking a sweat,” sinabi ng naturang FB page.

Batay sa impormasyon ng Facebook page nito, inilalarawan ng Philippines Exodus Security ang sarili nito bilang “red teamer na nakabase sa Pilipinas.”

Layunin ng isang red teamer na pahusayin ang IT security frameworks ng mga organisasyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga pisikal o digital na pag-atake sa kanilang mga system.

Itinanggi naman ni PCSO General Manager Mel Robles ang naturang insidente at sinabing ang sistema at sites ng government-owned at controlled corporation ay secured.

Ayon pa kay Robles, wala sa kanilang websites ang nakumpromiso, breached o na-hack sa ngayon.

Ayon pa kay Robles, ang impormasyong inilathala ng mga hacker ay pag-aari ng mga nakatanggap ng promo ng isang sangay sa Cagayan noong 2022 at hindi ng mga nanalo sa lotto. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)