TAGUM CITY- Sinuspinde ng Office of the President si Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib sa loob ng 60 araw dahil sa nakabinbing administrative complaint laban sa kanya.
May petsa ang kautusan na April 8, 2024, at nilagdaan para sa Pangulo ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Isinilbi naman ng mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang order nitong Huwebes ng umaga, sa gitna ng matinding pag-apela ng mga taga-suporta ni Jubahib at ng provincial government employees.
Ikinasa ang preventive suspension, ayon kay Bersamin, upang mapigilang maimpluwensyahan ni Jubahib ang mga testigo at huwag siyang magsilbing banta sa ebidensya ng kasong grave abuse of authority and oppression na inihain ni board member Orly Amit.
Sinabi ni DILG-11 regional director Abdullah Matalam sa local reporters nitong Huwebes na si Vice Governor De Carlo Uy ang magsisilbing gobernador sa loob ng 60 araw. RNT/SA