Home METRO Dayuhang may ‘kuwestiyonableng’ citizenship inaresto ng BI

Dayuhang may ‘kuwestiyonableng’ citizenship inaresto ng BI

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang paalis na pasaherong dayuhan na pinaniniwalaang Chinese national na nagbabalatkayo bilang isang Vanuatu national.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na isang Alex Cooper, 43, may hawak ng Vanuatu passport, ang naharang sa NAIA 3 terminal noong Hunyo 11 bago siya makasakay ng Thai Airways flight papuntang Bangkok.

Sinabi ni Tansingco na si Cooper, na nakakulong sa BI detention facility sa Taguig City, ay iniimbestigahan dahil sa pagkakaroon ng kuwestiyonableng pagkakakilanlan kung kaya’t maaari siyang i-deport dahil sa pagiging undesirable alien nito.

“If we are able to establish that he is actually a Chinese citizen and that his Vanuatu passport was merely procured from fixers to conceal his real identity, he will be summarily deported and banned from re-entering the country,” paliwanag ni Tansingco.

Binigyang-diin ni Tansingco na ang mga dayuhan na nagpapakilala sa kanyang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng dokumento upang makapasok at manatili sa Pilipinas ay mananagot sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng bansa at dapat na paalisin sa kanilang bansang pinagmulan.

Sa pagsisiyasat na isinagawa ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI, sa una ay nagsiwalat na si Cooper ay nagsasalita ng Chinese at halos hindi makapagsalita sa Ingles.

Nabatid din na hindi pa ito nakakapunta sa Vanuatu at wala siyang alam tungkol sa bansang South Pacific at sa kultura nito at gumagamit din ito ng Chinese mobile phone.

Nabatid na si Cooper ay inilagay sa alert list ng BI matapos magbigay ng tip ang mga impormante sa bureau tungkol sa kanyang pekeng Vanuatu citizenship.

Nagamit umano niya ang kanyang Vanuatu passport sa pagpasok at paglabas ng bansa kapag bumiyahe sa ibang mga dayuhang destinasyon tulad ng Japan at Thailand.

Ang Vanuatu passport ni Cooper ay nabatid na inisyu noong Peb. 15, 2021 at na ginamit niya ito noong una siyang dumating sa Maynila noong Hunyo 30, 2022. JAY Reyes