Home NATIONWIDE Presensya ng PCG sa Bajo de Masinloc hirit ng mga mangingisdang Pinoy

Presensya ng PCG sa Bajo de Masinloc hirit ng mga mangingisdang Pinoy

MANILA, Philippines- Hinihiling ng mga mangingisdang Pilipino ang presensya ng coast guard ng bansa habang nangingisda sila sa Panatag Shoal kasunod ng banta ng China na maaari nitong iditine ang “foreign trespassers” sa loob ng legal na teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Tropical Fish Gatherer Association president Joeffrey Elad, magiging mainam ang pagsama ng Philippine Coast Guard, dahil nangangamba ang kanilang grupo na hulihin sila ng China sakaling makarating sila sa Panatag Shoal, kilala rin bilang Bajo de Masinloc.

“Kasi kung hindi natin babalikan and Bajo de Masinloc, baka lalo lang mawawala sa aming mangingisda ‘yung bahura na ‘yun,” aniya sa ulat nitong Linggo.

“Baka kami ang masampolan na mahuli at madala sa China, kaya tiis-tiis lang kami,” dagdag niya.

Kasunod ito ng pagpapairal ng Beijing noong Sabado ng “no trespassing” policy nito na nagbibigay-awtorisasyon sa China Coast Guard na iditene ang “foreign trespassers” sa massive territorial claims nito hanggang 60 araw nang walang paglilitis.

Karaniwang inaabot ng isang linggo ang panghuhuli ng isda ng Tropical Fish Gatherer Association, naka-base sa Masinloc, Zambales, sa Panatag Shoal, subalit ilang mangingisda ang piniling manatili malapit sa dalampasigan sa pagpapatupad ng China ng bago nitong polisiya.

Sinabi naman ng Philippine Coast Guard na pinaigting na nito ang presensya sa West Philippine Sea, habang patuloy ang pagpatrolya ng Philippine Air Force sa pinag-aagawang teritoryo.

“Continue with your right, kasi (because) that’s the only way you can assert your right. ‘Pag natakot ka, talo ka,” giit naman ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio.

Opisyal na hiniling ng Pilipinas sa United Nations nitong Sabado na palawigin ang boundary nito sa South China Sea, sa gitna ng umiigting na agresibong aksyon ng China sa lugar. RNT/SA