MANILA, Philippines- Inihayag ni incoming ML Party-list representative Leila de Lima ang pagkabahala nitong Biyernes hinggil sa desisyon ng Senado na ilipat ang presentasyon ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte mula June 2 sa June 11, tinawag itong potensyal na istratehiya upang madiskaril umano ang proseso.
“Isa ‘yan sa mga senyales na sa tingin ko, may nangyayari. Sa tingin ko, mayroon nang ganyang usapan—na kino-consider na nila ‘yan to kill the impeachment trial,” pahayag ni De Lima, nakatakdang sumali sa House impeachment prosecution panel.
Inihayag ito ni De Lima sa Agenda at the Club Filipino news forum, nagbabala na pagsapit ng June 11, posible umanong bumoto ang Senado na hindi na ituloy ang paglilitis.
“Ang nai-imagine ko na, na come June 11, sasabihin na naman nila, ‘Okay, hindi na puwede. Let’s put it to a vote.’ Hindi tayo makakasiguro na majority of them will say, ‘Okay, let’s proceed,'” wika niya. “I can only foresee na on that last day, sasabihin na lang nila na hindi na puwede.”
Nauna nang ipinagbigay-alam ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa House of Representatives na inilipat ang presentasyon ng Articles of Impeachment sa June 11, tatlong araw lamang bago mag-adjourn sine die ang Kamara sa June 14.
“With only six session days before the sine die adjournment, it is imperative for the Senate and the House of Representatives to prioritize the passage of these measures,” giit ni Escudero.
“Sa mga public statements na ‘yon, may epekto rin ‘yan sa dilly-dally [ng impeachment],” ayon kay De Lima.
Base pa sa kanya, ang ipinakikita umanong kawalang-interes ng Pangulo sa impeachment trial ay senyales ng “weak leadership.”
“It just shows weakness actually in leadership,” pahayag ni De Lima idinagdag na, “That is a congressional matter, we have separation of powers. But in reality, this is both legal and political trial.”
“You don’t really intervene, because you’re not supposed to be, but at least you show interest,” aniya. “Instead of discouraging people, you have to show — ‘Ah, ito importante ito kaya dapat seryosohin ito ng Kongreso’ — without necessarily saying, ‘I am for it. I want VP Sara to be impeached, to be removed from office.'”
Matatandaang sinabi ng Pangulo na hindi siya pabor sa impeachment trial dahil mawawala umano ang pokus ng Kongreso sa pagpasa ng mahahalagang panukala.
“Maliwanag po ang sinabi ng Pangulo na sa simula po ay ayaw niya talaga po ng impeachment dahil maaaring mayroon pong ibang mga legal na pamamaraan para mapanagot ang dapat mapanagot. Pero ngayon po, ang Bise Presidente po ay impeached na, wala na po sa Pangulo ito,” pahayag ni Castro sa Palace press briefing.
Gayundin, kinuwestiyon ni De Lima ang makailang-ulit na pagkaantala, binanggit na kahit sa Kamara, ang inisyal na transmission ng articles ay naantala dahil sa budget deliberations.
“I’m also questioning that—kasi ilang beses na ba namo-move?” giit niya. “Hindi agad pinadala noon kasi ang excuse nila is budget hearing. Prioritized ang budget hearing bago kinonsider ang mga complaint.”
“That term ‘shall forthwith’ is there in the Constitution—nilabag na agad ‘yon eh at that point,” ayon pa kay De Lima. RNT/SA