MANILA, Philippines- Pinalawig na ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline ng Online Voting and Counting System Pre-Voting Enrollment para sa 2025 midterm elections.
Ngayong hapon, naglabas ng resolusyon ang Comelec na ini-extend ang enrollment ng overseas Filipinos hanggang May 10 mula sa orihinal na May 7.
Ang pagpapalawig ng enrollment para sa online voting ay layon na mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa ibang bansa na makapag-enroll at makaboto sa halalan.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 200,000 overseas Filipinos na nagpa-enroll para makaboto sa online voting ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Ang national at local elections ay isasagawa sa May 12. Jocelyn Tabangcura-Domenden