MANILA, Philippines- Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang deployment ng unang batch ng 7.5 milyong official printed ballots na gagamitin sa National Captal Region (NCR) para sa 2025 elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ide-deliver ang balota ngayong Martes sa Office of the Treasurer ng Caloocan, Marikina, Valenzuela, Pasig, Quezon City, Muntinlupa, Taguig, Manila, Makati, Malabon, Navotas at San Juan.
Kokolektahin ang mga balota ng mga miyembro ng election registration board (ERB).
Iniimbitahan naman ng Comelec ang mga political party, kandidato, interesadong grupo, citizens arm, na magpadala ng kinatawan sa opisina ng local treasurer para makita kung saan ito ilalagak.
Samantala, nakumpleto na ng Comelec ang pag-imprenta ng official ballots para sa May 12 national at local election. Ang distribusyon ng official ballots at iba pang election paraphernalia ay sinimulan noong Abril 21,2025.
Ayon kay Garcia, walang untoward incidents sa pamamahagi ng balota, automated counting machnes (ACMs) at iba pang election paraphernalia.
Sinabi rin ni Garcia na ‘on track’ ang Comelec sa paghahanda para eleksyon sa Lunes. Jocelyn Tabangcura-Domenden