SA gitna ng Kapaskuhan, isang panahong madalas ay inilalaan para sa pamilya, pagpapahinga, at repleksyon, siguradong marami sa ating mga kababayan ang hindi umabot sa huling araw ng paglilipat ng rehistro sa PHILHEALTH YAKAP Clinic nitong December 26, 2025.
Ang inyong Agarang Serbisyo Lady bilang isang health advocate ay magalang ngunit mariing nananawagan kina President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. at PHILHEALTH president and chief executive officer Dr. Edwin Mercado na isaalang-alang ang pagpapalawig ng natapos nang deadline kahit hanggang January 30, 2026 lamang.
Hindi maikakaila ang mabuting layunin ng YAKAP program at marami ang interesado kaugnay nito. Alinsunod dito, may libreng regular check-up, laboratory tests, cancer screening, at gamot sa pamamagitan ng GAMOT program na mga serbisyong kritikal lalo na sa mahihirap at sa mga pamilyang matagal nang hirap makalapit sa primary health care. Mahalaga rin ang prinsipyong binigyang-diin ni PCEO Dr. Mercado ukol sa kalayaan ng miyembro na pumili ng klinikang malapit sa tahanan o trabaho, at ang “healthy pressure” sa mga klinika upang pagbutihin ang serbisyo.
Alam naman natin na ang Kapaskuhan ang isa sa pinakaabalang panahon para sa maraming Filipino. Ang December 26 ay isang araw lamang matapos ang Pasko.
Marami ang nasa bakasyon sa kanilang mga lalawigan, ang iba’y nasa biyahe pa lamang pauwi, at ang ilan ay patuloy na abala sa mga gawaing pampamilya at panrelihiyon. Marami ring tanggapan ang may skeletal workforce o pansamantalang sarado. Para sa mga manggagawa, lalo na ang nasa informal sector, hindi madali ang magtungo sa LHIO para magsumite ng Primary Care Selection Form at sumailalim sa verification lalo na kung limitado ang oras at transportasyon.
Bagama’t may hotline at may opsyon na magpadala ng kinatawan, hindi ito sapat na solusyon para sa lahat. May mga miyembrong kulang sa kaalaman sa proseso, walang internet o email access, o walang kamag-anak na maaaring mag-asikaso para sa kanila.
Ang magiging resulta nito ay maraming karapat-dapat na miyembro ang posibleng maiwan, hindi dahil sa kapabayaan, kundi dahil sa timing ng patakaran.
Sa ganang akin, ang panukalang palawigin ang deadline hanggang January 30, 2026 ay hindi paglabag sa diwa ng reporma, bagkus, ito ay higit na pagpapalakas nito. Bibigyan nito ng sapat na panahon ang mga miyembro na makabalik mula sa bakasyon, makapag-isip nang maayos ng pipiliing klinika, at makumpleto ang proseso nang hindi nagmamadali. Ito rin ay magpapakita ng malasakit at pag-unawa ng pamahalaan sa tunay na kalagayan at pinagdaraanan ng mga mamamayan.
Ang layunin ng UHC at ng YAKAP ay access, dignidad, at tiwala. Ang mga ito ay mas napapalalim kapag ang mga patakaran ay sensitibo sa panahon at sitwasyon ng taumbayan.
Umaasa ang inyong lingkod na diringgin ng Malacañang Palace at ng pamunuan ng PHILHEALTH ang panawagang ito, isang maliit ngunit makabuluhang hakbang tungo sa mas inklusibong serbisyong pangkalusugan para sa lahat.






