Home NATIONWIDE Deadline sa PUV modernization, palawigin pa – Pimentel

Deadline sa PUV modernization, palawigin pa – Pimentel

MANILA, Philippines- Dapat bigyan pa ng mas mahabang panahon ang drayber at operator upang makatupad sa pangangailangan sa public utility vehicles (PUV) modernization program, ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel nitong Martes.

“Nagiging sapilitan kasi may deadline na kailangan mag-comply lahat. Iurong ang deadline na ‘yan, anim na buwan o isang taon, and then i-advertise nila itong programa nila para voluntary maka-attract sila ng magjo-join,” ayon kay Pimentel sa interview.

Sa nakalipas na linggo, naglunsad ng malawakang protesta ang driver at operator laban sa December 31, deadline para sa PUV franchise consolidation. Base sa datos ng pamahalaan, umabot na sa 70% ng lahat ng operator ang consolidated na kabilang ang public utility jeepneys, UV Express, mini buses, at public utility buses sa buong bansa.

Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, isa sa grupong naglunsad ng protesta na hindi sila kumakalaban sa PUV modernization, pero kapag naisagawa ang consolidation, mawawala ang kanilang individual franchise. Kailangan din umano na itaas ang halaga ng pasahe upang mapunan ang halaga ng isang modern jeepney unit na nagkakahalagang ₱4 million.

Dahil dito, hinikayat ni Pimentel ang awtoridad na magkaroon ng adjustment sa pangangailangan kabilang ang obligasyong pananalapi na aakuin ang driver at operator sa programa.

Aniya, kailangan sangkot ang stakeholders sa kabuuan ng proseso.

“We cannot force people to go into debt, so sila na ngayon ang magco-compute ano worth it ba ito,” ayon sa senador.

“Government should adjust and readjust and then re-examine. Go to the real reasons on the ground why there are some jeepney drivers and operators who are not complying or… who find it very hard to comply,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Pimentel na dapat mapanatili din ang iconic design ng dyip na naging bahagi ng kultura ng bansa sa halip na ipalit ang mini buses.

Pabor din si Pimentel na alisin ang sira-sirang dyip upang matiyak ang kaligtasan ng pasahero at patuloy balaan ang drier laban sa smoke belching na paglabag sa Clean Air Act.

Nakatakda siyang maghain ng isang panukalang batas alinsunod sa maayos na obhektibo ng modernization program at pamantayan na dapat sundin ng PUVs.

Samantala, pinaburan naman ni Senador Grace Poe ang extension ng consolidation ng franchise na magbibigay ng sapat na panahon sa transports group at opisyal ng pamahalaan na mag-usap para sa maayos at makataong modernization program.

Sa panahon ito, ayon kay Poe, inaasahang magkakaroon ng malinaw na konsultasyon ang plano sa bagong ruta sa lahat ng apektadong grupo.

“We all want a win-win situation that will improve the livelihood of our small drivers and operators and at the same time give our commuters a better ride,” ani Poe.

“We also hope the Supreme Court will take cognizance of the petitions of transport groups, which can serve as a valuable guide for the implementation of the modernization program,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articleAtty Topacio, may plano sa BORAT!
Next articleDOT nakapagtala ng 5.45M int’l tourist arrivals