Home METRO Dealer ng marijuana patay sa bangga

Dealer ng marijuana patay sa bangga

GENERAL SANTOS CITY- PATAY ang isang pinaniniwalaang dealer ng marijuana makaraan bumangga ito sa kasalubong na motorsiklo at makuhanan ng malaking halaga ng marijuana nitong Biyernes, Abril 5 sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Niño Francis Arellano Vitor, nasa hustong gulang, ng Barangay Calumpang, GenSan.

Sa report ng General Santos City Police Office, naganap ang insidente sa Fil-Am Highway sa Purok Fernandez Barangay Calumpang.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Vitor ang motorsiklo at pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang itong sumalpok sa kasalubong na motorsiklo ng minamaneho ng isang menor de edad.

Mabilis naman rumesponde ang mga pulis at tauhan ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office sa nasabing lugar at dinala sa ospital ang mga sugatan subalit idineklara na rin patay ng umatending doktor si Vitor.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakuha sa suspek ang apat na malalaking supot na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na aabot sa halagang P20,000.00.

Ayon sa intelligence unit Police Regional Office-12, nakatakda sanang isailalim sa entrapment operation sa darating na linggo ang suspek dahil sa pagiging dealer nito ng shabu. Mary Anne Sapico