Home NATIONWIDE Competitive buying price sa palay pag-uusapan ng NFA Council – DA

Competitive buying price sa palay pag-uusapan ng NFA Council – DA

MANILA, Philippines – Magkikita sa susunod na linggo ang National Food Authority (NFA) Council para pag-usapan ang posibilidad na pag-adjust sa buying price ng palay na gawin itong mas competitive para sa mga lokal na magsasaka.

Ani DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa, nakatakdang magkita sa Abril 11 ang NFA council.

“Paguusapan kung paano mas magiging competitive ang NFA sa pamimili ng palay,” dagdag ni de Mesa.

Noong Setyembre 2023, pinataas ng NFA Council ang buying price ng dry palay sa P23 kada kilo mula sa P19 habang ang buying price sa wet palay ay tumaas sa P19 mula sa P16.

Kumpara sa pinakahuling datos ng PSA noong Pebrero 2024, mas mababa ang buying price ng dry palay ng NFA sa average farmgate price sa buong bansa sa P25.21 kada kilo.

Samantala, inulit ni De Mesa ang pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi maaantala ang operasyon ng NFA sa kabila ng pagsasara ng ilang warehouse ng ahensya.

Nasa 97 NFA warehouses ang nananatiling nakakandado.

“There are more than 288 warehouses nationwide… other warehouses can accommodate those that are still closed,” ayon kay de Mesa.

Noong nakaraang buwan, ipinag-utos ng DA ang pansamantalang pagpapasara sa ilang warehouse ng NFA dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y irregular na bentahan ng rice buffer stocks. RNT/JGC