MANILA, Philippines – Aabot sa P1 milyong halaga ng mga cellphone at accessories na inimport na walang clearance ang nasamsam sa raid sa isang warehouse sa Paranaque.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang NCR Police Office ng sumbong na isang kompanya ang nakakatanggap ng mga produkto na hindi aprubado ng National Telecommunications Commission at walang Import Commodity Clearance.
“Ang info natin is they are being used or binebenta sila sa mga pogo. Any product na walang ICC is bawal ibenta, kasi yun yung matibay natin na basehan na ito ay safe na gamitin,” pahayag ni Police Colonel Jess Mendez ng NCRPO Regional Intelligence Division.
“Pag ganito kasing item na binebenta, ang assumption natin is substandard. Alanganin nating gamitin kasi it might cause harm dun sa gagamit. Ito kasi, there’s no guarantee na ito ay safe. Baka pag ginagamit mo, bigla nalang masunog or bigla nalang pumutok.”
“Inaalam natin yung source neto, kung pano nakapasok ito dito [at] kung san nanggaling. Dumaan ba ito sa kaukulang ahensya na dapat ay chinecheck yung mga pumapasok na ganitong mga gadget?” dagdag pa ni Mendez.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Consumer Act ang kompanya.
Wala pang tugon ang kompanya sa insidente. RNT/JGC