MANILA, Philippines – Isang grupo ng mga bigtime na drug pusher at ilang miyembro nito ang naaresto makaraang bumagsak sa bitag ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. Salinas 2, Bacoor, Cavite.
Kinilala ang mga naaresto na si alyas ‘Emily’, 37, lider ng Velasco Group at sina alyas ‘Warly’, 40, alyas ‘Edwin’, 43 at alyas ‘Randy’ 42, mga miyembro na kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon sa report, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang nagsagawa ng buy bust operation na tinawag na Oplan Quennie ang mga operatiba ng Bacoor Component City Police Station, Drug Enforcement Unit sa Virgo St., ng naturang lugar at dito nadakip ang mga suspek.
Napag-alaman na nasa listahan ng High Value Individual (HVI) ang mga naaresto at nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga ito ang tinatayang nasa anim na gramo ng hinihinalang illegal na droga na nagkakahalaga ng P200,000, cellphone at buybust money na ginamit sa nasabing operasyon.
Nasa kustodiya ngayon ng Bacoor City Custodian Facility ang mga suspek. Margie Bautista