Home METRO Babae natagpuang-patay sa barracks ng trabahador sa radiator shop sa Makati

Babae natagpuang-patay sa barracks ng trabahador sa radiator shop sa Makati

MANILA, Philippines – Natagpuan ang patay nang katawan ng isang babae sa silid ng isang lalaking trabahador sa isang radiator shop sa Makati City.

Ayon sa pulisya, posibleng isa itong uri ng crime of passion dahil sa brutal na pagpatay sa biktima.

Magkakatabi ang kwarto na nagsisilbing barracks ng mga manggagawa ng isang radiator shop sa Evangelista Street sa Barangay Bangkal.

Sa imbestigasyon ng Makati police, may lumabas na lalaki na may bitbit na bag mula sa isa sa mga kwarto at agad na umalis. Kalaunan ay hinanap siya ng isa sa katrabaho.

Sa pagpasok sa isa sa mga kwarto, tumambad na ang bangkay ng isang babae sa loob ng silid kung saan umalis ang lalaki.

Nakita ang bangkay na may kawad ng mikropono na nakapulupot sa leeg nito at may saksak din ito sa leeg.

“Na-discover po itong dead body na ito sa isang katrabaho ng ating person of interest. Pupunta sana siya sa kwarto niya para gisingin itong person of interest natin, itong suspect. Ang nakita niya is babae.

Sabihin natin na parang patay daw. Kaya sa takot niya, tumawag ka agad sila sa barangay,” pagbabahagi ni Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police sa panayam ng GMA News.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, Biyernes ng gabi, Abril 5 ay huling nakitang magkasama ang lalaki at ang 27-anyos na biktima na empleyado ng resto bar na katabi lamang ng barracks ng suspek.

“Itong dalawa na ito, sabihin natin na close friends o baka mag-syota pa. Base sa mga inisyal investigation natin sa mga friends nito at mga witnesses, lagi naman daw silang nakikita. Kung minsan pa ay pumupunta itong babae sa radiator shop na pinagtatrabahuhan itong lalaki,” ani Cutiyog.

“Ito ang mina-manhunt natin ngayon, so pinupuntahan ng ating mga kapulisan ‘yung mga relatives niya, yung mga friends niya. Baka diyan siya po tumakbo at nagtago,” dagdag ni Cutiyog. RNT/JGC