VATICAN -Muling kinondena ni Pope Leo ang parusang kamatayan at sinabing nilalabag nito ang kasagraduhan ng buhay ng tao at inaalisan ang tao ng pagkakataong magbago, ilang araw matapos sabihin ng Pentagon na plano nitong i-livestream ang isang execution.
Ila-livestream ng US military ang nalalapit na pagbitay sa pamamagitan ng firing squad sa gunman na pumatay ng 13 katao sa Fort Hood military base noong 2009, sinabi ni Defense Secretary Pete Hegseth nitong Huwebes, sa kung ano ang magiging kauna-unahang broadcast ng execution sa US.
“The common good can be safeguarded and the requirements of justice can be met without recourse to capital punishment,” sabi ng Santo Papa, ang kauna-unahang Papa mula sa Estados Unidos, sa isang social media post, nang hindi binabanggit ang plano ng Pentagon.
Si Nidal Hasan, isang dating Army psychiatrist, ang nakatakdang maging kauna-unahang taong bibitayin sa pamamagitan ng firing squad ng US military mula pa noong 1945.
Ang plano sa livestream, na isinusulong ni Hegseth, ay umani ng pagtutol mula sa mga mambabatas, kabilang ang mula sa mga kapartido ni President Donald Trump na Republicans, mga religious leaders, at international observers.
Sinabi ni Trump na hindi pa siya nakakapagpasya kung papayagan ang live feed, habang si Vice President JD Vance, na isang Katoliko, ay nagpahayag ng pagdududa kung itutuloy ng Pentagon ang pag-livestream sa nakatakdang execution sa Disyembre 3. Sinabi rin ni Vance na hindi niya panonoorin ang livestream kung sakaling matuloy ito.
Ang plano sa execution ay kasabay ng tumitinding debate sa US tungkol sa death penalty matapos ang palpak na lethal injection sa isang babae sa Tennessee noong nakaraang linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden