MANILA, Philippines – Nahaharap sa parusang kamatayan ang sinumang indibiduwal na mapatutunayan nanggahasa sa lalaki man o babae bilang pagpapalakas ng kaparusahan laban sa sexual assault na nakatakda sa Anti-Rape Law of 1997 na ikinasa ngayon sa Senado.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Robin Padilla na magpapalakas ang mas mabigat na parusa – kasama ang kamatayan – laban sa sexual assault sa pamamagitan ng panukalang Senate Bill No.2777.
Inihain nitong Lunes, layunin ng panukala, na tiyaking hindi lang mas malakas ang ating batas kundi mas “gender-responsive,” dahil kapwa lalaki at babae ang nagiging biktima ng sexual assault.
“Despite the penalties under RA 8353, this representation still finds it compelling to increase the punishment for any person who shall commit an act of rape as stated under Paragraph 2, Article 266-A of the Revised Penal Code, as amended by RA 8353,” aniya.
“By doing so, we can be more certain that our laws are stronger, more gender-responsive, and progressive especially in these changing times,” dagdag niya.
Ani Padilla, nakasaad sa 1987 Constitution ang pagbigay ng kahalagahan sa paggalang sa karapatang pantao. Mismo ring Saligang Batas ang nagtakda sa Kongreso na bigyang prayoridad ang batas na protektahan ang karapatan sa dignidad.
Dagdag niya, may pag-aaral ang Council for the Welfare of Children at United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong 2017 kung saan mas maraming lalaki na edad 13 hanggang 24 ang nakaranas ng sexual violence kumpara sa babae.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, ang reclusion perpetua hanggang kamatayan ay ipapataw kung:
* ang rape ay ginawa na gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao;
* ang biktima ay masiraan ng bait dahil sa nangyaring rape;
* may homicide na nangyari sa pagtangkang rape
* ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating or qualifying circumstances” sa artikulo. Ernie Reyes