MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) na ang inilaan na Overseas Filipino Workers (OFWs) wing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ay bukas na para makapagbigay ng mas mabilis at mas episyenteng immigration processing para sa mga paparating at papaalis na OFWs.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na “binuksan na ng Bureau of Immigration ang bagong OFW Wing sa NAIA Terminal 3.”
“Ang nasabing wing ay para lang sa mga OFW para matiyak ang mabilis at mas epektibong Immigration processing,” ayon kay Castro.
Ang OFW wing ay nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagandahin at gawing modernisado ang mga serbisyo para sa lahat ng OFWs.
Aniya pa, ang bagong inilunsad na pasilidad, kung saan nagsimulang maglingkod sa OFWs noong Abril 9, ay “a tangible demonstration of the government’s continued recognition of OFWs’ significant contributions to the Philippine economy.”
“Bahagi rin ito ng pagkakilala sa kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya ng ating bansa,” ang winika ni Castro.
Base sa rekord ng BI, ang average ay higit pa sa 3,400 OFWs ang umaalis mula sa NAIA sa araw-araw, kaya naman, may pangangailangan para sa special lanes. Kris Jose