MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng dedicated student lanes sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Sinabi ng DOTr na ang student lanes na ilalagay sa bawat station ng train system ay magbibigay-daan sa tuloy-tuloy na paggalaw ng mga mag-aaral na nag-a-avail ng 50% na diskwento sa pamasahe.
Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na dapat tiyakin ng gobyerno ang mahusay na paggalaw ng mga pasahero sa mga transport hub sa pamamagitan ng pagtatatag ng epektibong platform management, lalo na para sa mga mag-aaral na gustong makakuha ng mga diskwento sa pamasahe.
Ang anunsyo ng DOTr ay kasunod na rin ng panawagan ni Senator Raffy Tulfo para sa pagtatayo ng dedicated booths o lanes para sa estudyante na mag-a-avail ng kanilang 50% fare discounts sa LRT at MRT stations.
Tinaasan ng DOTr ang diskwento sa pamasahe ng lahat ng estudyante kabilang ang mga kumukuha ng postgraduate studies mula 20% hanggang 50% para sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3 noong nakaraang buwan.
Upang makakuha ng diskwento, ang mga estudyante ay kinakailangang magpakita ng valid ID ng kasalukuyang school year.
Mabibili ang kanilang ticket sa ticket counter para sa discounted rates.
Ito ay valid para sa single-journey tickets lamang at hindi applicable para sa beep cards at stored-value tickets. Jocelyn Tabangcura-Domenden