Home NATIONWIDE Mag-asawa pinagtataga ng 3 kawatan

Mag-asawa pinagtataga ng 3 kawatan

CEBU CITY-AGAW-BUHAY ngayon sa ospital ang mag-asawa matapos pagtatagain ng tatlong kawatan makaraan pasukin ang kanilang bahay at tinangay ang pera, iniulat nitong Miyerkules, Hulyo 2 sa bayan ng Moalboal.

Inoobserbahan ngayon sa ospital ang mag-asawang Ronie Bongcawel Bontigao, 56, Antonia Cabag Bontigao, 54, sanhi ng mga tinamong sugat sa mukha, ulo, bibig, at katawan, kapwa residente ng Sitio Bangag, Barangay Saavedra, Moalboal.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng Moalboal Police nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Christian Buquia Yosores, residente ng Barangay Poblacion, Alcantara; Juvil Cravantes Sabanal, 18, at Jimman Carba Lozano, 20, pawang residente ng Barangay Saavedra.

Batay sa report ng pulisya, bandang bandang 3:00AM noong Hulyo 2 nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng mag-asawa sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Antonia, bandang 11:30 PM habang sila ay natutulog narinig niya ang mga kaluskos sa kisame subalit makalipas ang ilang minuto ay biglang nawala.

Pagsapit ng ala-1 ng madaling-araw, sinira ng mga suspek ang pintuan ng bahay ng mag-asawa dahilan para magising si Ronie.

Dito, bigla na lamang siyang pinagtataga ng mga suspek at nagising naman si Antonia at lumabas siya ng silid kaya maging siya ay pinagtataga.

Sa kabila ng mga sugat sa katawan, nagawang makalabas ng bahay ni Antonia at nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek at tinangay ang P7,000.00 ng mag-asawa.

Nakilala ang mga suspek ng mga biktima dahil bago ang insidente ay pinapakain pa ang mga ito ng mag-asawa.

Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang mga suspek. Mary Anne Sapico