Home METRO Negosyanteng ginang, muntik mapatay nang maningil ng utang

Negosyanteng ginang, muntik mapatay nang maningil ng utang

MANILA, Philippines – SA halip na magbayad ng utang, tinutukan pa ng baril at pinagbantaang papatayin ng isang mangingisda ang negosyanteng ginang na pinagkautangan nito sa Navotas City.

Tiyempo namang dumaan ang mga nagpapatrulyang tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela, nakahingi agad ng tulong ang ginang na 40 anyos matapos itong magtatakbo nang pagbantaan ng suspek na nakilala sa alyas na “Rommel”.

Ayon sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, alas-6:00 ng umaga nang magtungo ang ginang sa bahay ni alyas Rommel upang singilin sa utang nito.

Subalit sa halip na magbayad, binunutan pa ng baril at tinutukan ang ginang tsaka pinagbantaang papatayin.

Dahil sa labis na takot, nagtatakbo ang ginang at nakahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Patrol Base 1 ng Navotas Police at inaresto ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang paltik na baril na may kargang isang bala ng kalibre .38 na hindi lisensyado.

Sasampahan ng kasong grave threats sa ilalim ng Article 282 ng Kodigo Penal at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. Merly Duero